MANILA, Philippines – PATULOY pang palalawakin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang scholarships at tulong pang-edukasyon sa buong bansa upang mas maraming estudyante ang makapagtapos ng kolehiyo at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Ito ang mensahe ni Acting Executive Secretary Ralph Recto sa mga Presidential Scholars sa kanyang pagbisita sa Cebu noong Agosto 13 kung saan binigyang-diin niyang hindi dapat maputol ang pangarap ng isang estudyante dahil lamang kapos sa pera ang kanyang pamilya.
May kabuuang 5,330 scholars ang Cebu City mula sa 1,066 na barangay nito.
“Malaki ang tiwala ng Pangulo sa inyo kaya kayo ang napiling maging Presidential Scholars,” ani Recto.
“Simple lang ang hinihingi niya sa inyo: Mag-aral nang mabuti. Tapusin ang kurso. At pagdating ng araw, gamitin ninyo ang natutunan ninyo para makatulong din sa iba,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas Barangay Presidential Scholars Program, limang fourth-year college students sa bawat barangay ang bibigyan ng tig-P20,000 na tulong pinansyal upang matulungan silang maitawid ang huling bahagi ng kanilang pag-aaral.
Ngayong taon, 210,000 estudyante sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa ang makikinabang sa programa.
Bawat barangay ay may nakalaang P200,000 mula sa Presidential Socio-Civic Projects Fund, kung saan kalahati, o P100,000, ay nakalaan para sa tulong pang-edukasyon ng limang Presidential Scholars.
Bukod sa Presidential Scholars Program, patuloy ding pinalalawak ng pamahalaan ang iba’t ibang scholarship at educational assistance programs.
Kasama rito ang libreng basic education at free tuition sa state universities and colleges hanggang scholarships para sa medicine, science, graduate studies, specialized courses, at iba pang larangan.
Binigyang-diin ni Recto na ang bawat estudyanteng natutulungang makatapos ay hindi lamang puhunan para sa kanyang sariling kinabukasan, kundi para rin sa kanyang pamilya at komunidad.
“Para sa Pangulo, ang edukasyon ay puhunan para sa magandang kinabukasan ng bawat pamilya at ng buong bansa,” sabi niya.
Kasama ni Recto sa kanyang pagbisita sa mga Presidential Scholars sa Cebu sina Secretary of the Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Philip Lo, Governor Pamela S. Baricuatro, at Cebu City Mayor Nestor Archival. KRIS JOSE