MANILA, Philippines -TULOY-TULOY ang pamamahagi ng libreng bigas sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang pamilyang Pilipino ang dapat magutom.
Ito ang siniguro ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto sa kanyang pagbisita sa Cebu para mamahagi ng libreng bigas sa humigit-kumulang 120,000 pamilya sa probinsya.
Bahagi ito ng Bagong Pilipinas Rice Program, kung saan target na mabigyan ng 10 kilong libreng bigas kada dalawang buwan ang halos walong milyong mahihirap na pamilya sa buong bansa.
“Hindi ito one-time, big-time. Kada dalawang buwan ang bigayan. Simple lang ang bilin ng Pangulo: walang pamilyang Pilipino ang dapat magutom,” ani Recto.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang mga pamilyang nangangailangan ang makikinabang sa programa dahil ang bigas ay bibilhin ay mula sa mga lokal na magsasaka.
“Doble ang pakinabang: may kanin sa hapag, may kita ang magsasaka. Pamilya at magsasaka, parehong tinutulungan ng gobyerno,” sabi niya.
Ang programa ay sinusuportahan ng P57.87-bilyong Local Government Support Fund (LGSF) ngayong taon—ang pinakamalaki sa kasaysayan.
Bukod sa libreng bigas, may pondo rin sa ilalim ng LGSF para sa mga kalsada at farm-to-market roads, water systems, health facilities, at multipurpose buildings na maaari ring magsilbing evacuation centers tuwing may kalamidad.
“Ang gusto ng Pangulo, ramdam ang gobyerno hanggang sa bawat bayan at barangay. Kapag may pangangailangan ang tao, dapat may kakayahan ang LGU na kumilos at tumulong agad,” ani Recto.
Pinasimple na rin ng pamahalaan ang proseso ng pag-request ng LGSF upang mabawasan ang requirements at mapabilis ang paglabas ng pondo.
Hinimok ni Recto ang mga LGU na kumpletuhin agad ang kanilang requirements sa Ugnayang Bayan portal upang mabilis na ma-release ang pondong nakalaan para sa kanilang mga proyekto.
Aniya, kapag napatunayang epektibo ang LGSF ngayong taon, maaari pang palakihin ito sa 2027.
Bahagi lamang ang mga programang ito ng mas malawak na suportang natatanggap ng mga LGU mula sa national government. Sa 2027, aabot sa P1.4 trilyon ang National Tax Allotment (NTA) ng mga LGU—pinakamalaki sa kasaysayan at 11% na mas mataas kaysa ngayong taon.
Pinuri rin ni Recto ang mga lokal na opisyal sa Cebu sa kanilang pakikipagtulungan sa national government upang mas mabilis na maihatid sa mga komunidad ang pagkain, imprastraktura, at iba pang serbisyong kailangan ng mamamayan.
Kasama ni Recto sa kanyang pagbisita sa Cebu sina Secretary of the Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Philip Lo, Governor Pamela S. Baricuatro, Cebu City Mayor Nestor Archival, Cordova Mayor Cesar Suan, Alcoy Mayor Jose Eugenio Singson Jr., Aloguinsan Mayor Cesar Ignatius Moreno, Balamban Mayor Amos Edwin Cabahug, Sogod Mayor Lissa Marie Streegan at Carcar City Mayor Patrick Barcenas. KRIS JOSE