MANILA, Philippines – NANGAKO ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutugisin ang mga nasa likod ng pag-atake sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, habang pinaigting ang security forces bago ang first parliamentary elections sa Sept. 14.
Mariing kinondena ng AFP ang pag-atake sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, araw ng Sabado.
“The AFP will pursue the perpetrators and work closely with the Philippine National Police, Commission on Elections, and other concerned agencies to identify those responsible and ensure that they are held accountable under the law,” ang sinabi ni AFP chief Gen. Antonio Nafarrete sa isang kalatas.
Sa ulat, tinambangan ng mga armadong suspek ang convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua nitong hapon ng Sabado, Agosto 15 sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat.
Pinaulanan ng bala ng baril ang tatlong sasakyan sa convoy ni Macacua.
Sa kabutihang palad ay ligtas ang lahat ng mga sakay nito at walang nasaktan.
Si Macacua ay bumibiyahe mula sa kanyang hometown sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan, para dumalo ng proclamation rally ng Bangsamoro Federalist Party (BFP), ang partido na kanyang nilahukan kung saan siya ay pinangalanang chairman matapos tumakbo bilang independent candidate sa 3rd district ng probinsya.
Dahil dito ay pinaigting ang seguridad sa Bangsamoro Government Center at nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad. KRIS JOSE