Home NATIONWIDE Higit 5M hagip ni Luis, Maymay, at Habagat

Higit 5M hagip ni Luis, Maymay, at Habagat

1
0

MANILA, Philippines – Mahigit 5 milyon katao ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes.

Pagsapit ng alas-6 ng umaga, umabot sa 5,084,667 katao o 1,450,747 pamilya ang naapektuhan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region (CAR), Metro Manila at MIMAROPA.

Ayon sa OCD, 24,893 katao o 7,182 pamilya ang kasalukuyang nasa 523 evacuation centers.

Umabot naman sa 23 ang namatay, 17 ang nasugatan at isa ang nawawala dahil sa masamang panahon.

Pinakamaraming nasawi sa Benguet, na may 15—10 sa Baguio City, tatlo sa Atok at dalawa sa La Trinidad. Lahat ng mga ito ay dahil sa landslide.

Tatlo ang namatay sa Rizal—dalawa dahil sa rockslide sa Rodriguez at isa dahil sa nahulog na puno sa Antipolo. Tatlo rin ang nasawi sa Batangas dahil sa pagkalunod, pagkakuryente at landslide.

May tig-isang nasawi sa La Union dahil sa landslide at Quezon dahil sa pagkalunod.

Samantala, 1,863 bahay ang napinsala—1,681 ang bahagyang nasira at 182 ang tuluyang nawasak.

Tinatayang umabot sa ₱3.45 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang ₱689.66 milyon naman ang pinsala sa agrikultura.

Naglaan na ang pamahalaan ng ₱734.11 milyon na tulong para sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here