MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na may mga bahagi ng 911 emergency system na maaari pang pagbutihin, ngunit iginiit nitong nakatulong ang bagong sistema sa pagpapahusay ng emergency response sa bansa.
“There is always room for improvement naman siguro, mga tweaking,” ani PNP public information chief Col. Allen Rae Co sa press briefing sa Camp Crame.
Ayon kay Co, pinagsama-sama ng revamped 911 system ang emergency hotlines para sa pulis, medical assistance at firefighting, at direktang ikinokonekta ang mga tumatawag sa human dispatchers.
Ibinigay din niyang halimbawa ang isang insidente sa Muntinlupa City, kung saan nakatulong ang isang 911 call upang mapigilan ng mga pulis ang isang umano’y robbery-holdup sa loob lamang ng halos isang minuto.
Lumabas ang pahayag matapos mag-viral ang social media post ng actor at performer na si Basty Askri, na nagsabing naantala umano ang medical assistance mula sa 911 nang atakihin sa puso ang kanyang 70-anyos na ama na kalaunan ay namatay.
Sinabi ni Co na alam ng PNP ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ni Askri.
“The SILG (Secretary of the Interior and Local Government) has already ordered an investigation to establish the full facts surrounding the incident,” ani Co.
“The PNP is always ready and willing to support the investigation para makita natin yung truth as to what happened,” dagdag niya. RNT/MDS