Home NATIONWIDE Baligod, maghahain ng ebidensya sa panunuhol sa 4 ‘maleta boys’ na bumawi...

Baligod, maghahain ng ebidensya sa panunuhol sa 4 ‘maleta boys’ na bumawi ng pahayag

3
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng tinaguriang “Maleta boys,” na magsusumite siya sa Office of the Ombudsman ng mga ebidensya tulad ng audio recordings at screenshots ng text messages upang patunayan umano na sinuhulan at tinakot ang apat na dating miyembro ng grupo na bumawi sa kanilang mga naunang pahayag.

Aminado si Baligod na maaaring hindi tanggapin sa korte ang ilan sa mga ebidensya, lalo na ang audio recording, dahil sa Republic Act 4200 o Anti-Wiretapping Law.

“We will explain to them, in the Ombudsman office, the circumstances, as well as the screenshots of the text messages on the bribery,” ani Baligod.

“We will also let them hear the audio-recorded conversation, although we are aware that that is inadmissible because of Republic Act 4200,” dagdag niya.

Ayon kay Baligod, nakatanggap umano ng hanggang P10 milyon bawat isa ang mga bumawi sa kanilang testimonya.

Ang 18 “Maleta boys,” na nagpakilalang dating bodyguards ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ay nagsabing naghatid sila ng mga maleta na may lamang pera kina Co, dating House Speaker Martin Romualdez, at maging kay President Ferdinand Marcos Jr.

Gayunman, apat sa 18 ang kalaunang bumawi sa kanilang mga alegasyon laban kina Romualdez, Co at Marcos Jr.

Noong Pebrero, nagsumite si Baligod ng isang joint affidavit ng 18 katao sa Ombudsman. Hiniling naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsumite ang bawat isa ng magkakahiwalay na affidavit dahil maaaring makaapekto sa kanilang kredibilidad ang iisang salaysay.

Sa 18, walo lamang ang nakapagsumite ng hiwalay na affidavit sa Ombudsman. Tatlo sa apat na bumawi sa kanilang pahayag ay kabilang dito, habang ang isa ay hindi nagsumite ng hiwalay na affidavit.

“We would just like to assure the Office of the Ombudsman that the recantation of the four is because of intense bribery, along with threats,” ani Baligod.

Sinabi rin niyang ibubunyag niya sa mga imbestigador ang mga taong nasa likod umano ng panunuhol.

Nang tanungin kung sino ang mga ito, sinabi ni Baligod:

“We will share it to the Office of the Ombudsman because they are planning legal steps which I am not at liberty to share with you right now because it is completely under their discretion (Ombudsman) as to what they should do to these four.” RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here