MANILA, Philippines — Rerepasuhin ng Philippine Air Force (PAF) ang mga patakaran sa paggawad ng military awards at paggamit ng honorary badges at insignia ng mga reservist kasunod ng mga kuwestiyon sa mga medalya at dekorasyong suot ni Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, nagsasagawa na ng review ang Reserve Command, PAF sa umiiral na polisiya upang matiyak na ang bawat award at badge na isinusuot sa military uniform ay may kaukulang general order o opisyal na dokumentong nagpapatunay sa batayan ng pagkakaloob nito.
Makikipag-ugnayan din umano ang PAF Reserve Command sa iba pang major services ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang palakasin ang mga patakaran sa dokumentasyon at paggawad ng military recognition.
Naging usap-usapan ang isyu matapos kuwestiyunin ng ilang retiradong opisyal ng militar at netizens sa social media ang dami ng medals, badges at iba pang dekorasyong suot ni Romero, isang Air Force reservist, nang dumalo ito sa pagdinig ng Commission on Appointments.
Hindi naman sinabi ng PAF na peke o hindi awtorisado ang mga parangal ni Romero. Binigyang-diin lamang nito na ang military status, assignments at recognitions ng mga tauhan ay nakatala sa opisyal na records ng AFP.
Kinumpirma kamakailan ng Commission on Appointments ang appointment ni Romero bilang brigadier general sa AFP Reserve Force.
Itinanggi naman ni Romero ang mga pagdududa sa kanyang mga parangal at iginiit na ang lahat ng kanyang ranggo, appointment at military recognition ay opisyal na ipinagkaloob sa kanya batay sa kanyang serbisyo bilang reservist.
“Lahat ng pagkilala at parangal ay kusang ibinigay batay sa aking paninilbihan. Kailanman ay hindi ko ito hiningi o ipinakiusap,” ani Romero.
Binanggit din niya ang kanyang mga naging ambag bilang dating mambabatas at reservist, kabilang ang suporta sa mga hakbang para sa sahod ng uniformed personnel, military acquisitions, at pakikilahok umano sa mahigit 60 civil-military at humanitarian operations.
Sa ngayon, wala pang inilalabas ang PAF na resulta ng review o partikular na findings kung may award, badge o insignia ni Romero na lumabag sa umiiral na regulasyon. Dave Baluyot