Home NATIONWIDE LPA posibleng maging bagyo sa loob ng 2 araw; habagat magpapaulan pa...

LPA posibleng maging bagyo sa loob ng 2 araw; habagat magpapaulan pa — PAGASA

1
0
IMG_20260817_141553_136.jpg

MANILA, Philippines — May posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na dalawang araw ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa silangan ng Northern Luzon, habang patuloy namang magdadala ng malalakas na pag-ulan ang habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa PAGASA.

Sa 5 p.m. weather advisory ng PAGASA nitong Lunes, posibleng makaranas ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan hanggang Martes ng hapon ang Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Mataas ang posibilidad ng pagbaha, partikular sa mabababang lugar, urban areas at mga komunidad malapit sa ilog.

Samantala, 50 hanggang 100 mm ng ulan ang inaasahan sa Ilocos Sur, Abra, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Oriental Mindoro at Antique. Posible rin ang localized flooding at landslide sa mga lugar na vulnerable sa mga naturang peligro.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang monsoon rains sa Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro, habang moderate hanggang heavy rains naman ang maaaring maranasan sa Metro Manila at ilang bahagi ng Central at Southern Luzon.

Nagbabala rin ang weather bureau na maaaring mas mataas pa ang aktuwal na dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Maaari ring lumala ang epekto ng panibagong pag-ulan sa mga lugar na nababad na sa ulan nitong mga nakaraang araw.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na bantayan ang mga susunod na weather advisory at rainfall warning ng PAGASA, lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng pagbaha at may mataas na panganib ng landslide. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here