MANILA, Philippines — Umani ng batikos online ang “birthday sabbatical” post ni First Lady Liza Araneta-Marcos nitong Lunes habang nakararanas ng malalakas na pag-ulan at pagbaha ang Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon dahil sa habagat.
Nagbahagi si Araneta-Marcos ng selfie sa isang garden habang inanunsyo ang pagsisimula ng kanyang isang linggong birthday break bago ang kanyang ika-67 kaarawan sa Agosto 21.
Sa kanyang post, sinabi ng First Lady na pansamantala siyang lalayo sa karaniwang official engagements at schedule upang makapagpahinga at makapag-recharge.
“Just me & Mother Nature,” bahagi ng kanyang caption. Hinikayat din niya ang publiko na “stay safe and dry” dahil sa maulang panahon.
Gayunman, kinuwestiyon ng ilang netizens ang timing ng post habang maraming residente ang nakararanas ng baha at abala dulot ng patuloy na pag-ulan. May mga naglarawan dito bilang insensitive o hindi naaayon sa sitwasyong kinakaharap ng ilang komunidad.
Wala namang ipinahiwatig sa post ng First Lady na minamaliit niya ang epekto ng pagbaha; sa halip, nagpaalala rin siyang mag-ingat ang publiko sa masamang panahon.
Ang mga puna hinggil sa timing ng kanyang birthday post ay nagmula sa mga reaksyon ng social media users. RNT