MANILA, Philippines — Maaaring makahiram ng hanggang P20,000 ang mga kwalipikadong miyembro ng Social Security System (SSS) na naapektuhan ng Tropical Storm Maymay at habagat sa ilalim ng umiiral nitong Emergency Loan Program (ELP).
Ayon sa SSS, may interest rate na 7% kada taon ang initial emergency loan at babayaran ito sa loob ng 30 buwan, kabilang ang anim na buwang moratorium bago magsimula ang regular na hulog.
Ibig sabihin, walang kailangang bayarang buwanang amortization sa unang anim na buwan mula sa petsa ng loan approval. Magsisimula ang regular na hulog sa ikapitong buwan.
Epektibo ang kasalukuyang ELP mula pa noong Mayo 1, 2026. Pinaluwag din ng SSS ang contribution requirement mula 36 tungong 18 monthly contributions, basta’t hindi bababa sa anim ang posted contributions ng miyembro sa loob ng nakalipas na 12 buwan.
Para sa self-employed, voluntary, non-working spouse at land-based overseas Filipino worker members, kailangan din ng hindi bababa sa anim na posted contributions sa kanilang kasalukuyang membership type bago ang buwan ng aplikasyon.
Kabilang din sa mga pangunahing requirement ang pagiging wala pang 65-anyos, pagkakaroon ng valid Philippine home address at updated contact information sa SSS records, active disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM), at pagsunod sa mga patakaran ng SSS kaugnay ng mga umiiral o hindi nabayarang loan.
Ang halaga ng maaaring mahiram ay nakadepende rin sa contribution record. Ang may 18 hanggang 35 contributions ay maaaring makahiram ng hanggang 50% ng average ng kanilang huling 12 Monthly Salary Credits, habang hanggang 100% naman para sa may 36 o higit pang contributions, subject sa P20,000 maximum loanable amount.
Maaaring mag-apply online sa pamamagitan ng My.SSS Portal o SSS Mobile App. Maaari ring sabay na mag-apply ang mga apektadong miyembro para sa salary loan kung pasok sila sa hiwalay na eligibility requirements nito. Dave Medina