Home METRO 486 magulang tumanggi sa measles-rubella vaccine sa mga anak sa Cebu City

486 magulang tumanggi sa measles-rubella vaccine sa mga anak sa Cebu City

2
0

CEBU CITY — Umabot sa 486 magulang o guardian ang tumangging pabakunahan kontra measles at rubella ang kanilang mga anak sa unang linggo ng immunization campaign ng Cebu City, dahilan upang paigtingin ng lokal na pamahalaan ang information drive laban sa vaccine misinformation.

Hanggang nitong Agosto 15, nasa 9,227 bata pa lamang o 10.18% ng target na 90,604 ang nabakunahan sa ilalim ng Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA). May 194 vaccination din na ipinagpaliban muna, ayon sa daily report ng lungsod.

Sinabi ni Kenneth Siasar, chief of staff ni Cebu City Mayor Nestor Archival, na kakulangan sa impormasyon at maling paniniwala tungkol sa bakuna ang ilan sa nakikitang dahilan ng pagtanggi ng mga magulang.

Nagpadala na ang lungsod ng education at awareness teams kasabay ng vaccination operations upang ipaliwanag sa mga pamilya ang layunin at kaligtasan ng bakuna. Isinasagawa rin ang pagbabakuna sa mga health center at sa pamamagitan ng house-to-house operations.

Target ng Department of Health ang mga batang 6 hanggang 59 buwan sa MR-SIA na isinasagawa mula Agosto 10 hanggang 28, 2026. Libre ang bakuna at bahagi ng kampanya ng pamahalaan upang mapataas ang immunization coverage at maiwasan ang pagkalat ng measles at rubella.

Binigyang-diin ng DOH na mahalaga ang mataas na vaccination coverage upang mabawasan ang panganib ng outbreaks at maprotektahan hindi lamang ang indibidwal na bata kundi maging ang mas malawak na komunidad.

Hinikayat naman ng Cebu City government ang mga magulang na direktang kumonsulta sa mga doktor, nurse, barangay health worker at iba pang health professionals kung may alinlangan tungkol sa bakuna sa halip na umasa sa hindi beripikadong impormasyon sa social media. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here