MARIKINA CITY — Pumalya umano ang isang pumping station sa Barangay Tumana sa Marikina City habang nakararanas ng malakas na pag-ulan noong Lunes, kasabay ng pagtaas ng tubig-baha na nagresulta sa paglikas ng mahigit 1,000 residente.
Ang pumping station ay isa sa mga proyektong iniugnay kay Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, na kasalukuyang kinatawan ng distrito sa Kamara.
Bandang alas-2 ng hapon, umabot umano hanggang baywang ang tubig-baha sa ilang bahagi ng Barangay Tumana.
Pagsapit ng alas-3 ng hapon, nasa 169 pamilya o mahigit 1,000 residente ang napilitang lumikas at pansamantalang nanuluyan sa Concepcion Integrated School.
Sa bilang na ito, 93 pamilya o 558 indibidwal ang nananatili sa mga silid-aralan para sa elementarya, habang 76 pamilya o 415 indibidwal naman ang pansamantalang nanunuluyan sa mga silid-aralan para sa high school.
Agad namang rumesponde ang lokal na pamahalaan, kabilang ang City Health Office, upang suriin ang kalagayan ng mga evacuee at magbigay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
Noong Agosto 14, sinabi ni Rep. Quimbo na dumating ang bagong generator at personal na nagtungo sa lugar si DPWH Senior Undersecretary Emil Sadain upang pangasiwaan ang aktuwal na pagpapaandar ng mga pump.
Nang mapagana ang pump, sinabi ni Quimbo na may “deficiencies pang kailangang ayusin” at mga obligasyong kailangan pang tuparin ng contractor.
Hindi pa malinaw kung ano ang naging sanhi ng umano’y pagpalya ng pumping station. RNT