Home NATIONWIDE Libreng sakay inilarga ng DOTr; 13 ruta sakop

Libreng sakay inilarga ng DOTr; 13 ruta sakop

1
0

MANILA, Philippines — Nagpatupad ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya ng pamahalaan ng libreng sakay ngayong Martes, Agosto 18, para sa mga pasaherong apektado ng malakas na ulan at pagbaha sa Metro Manila.

Ayon sa opisyal na advisory ng DOTr, nagsimula ang libreng sakay alas-6 ng umaga at nakatakdang magpatuloy hanggang alas-8 ng gabi, bagama’t maaari pa itong palawigin depende sa pangangailangan.

Kabuuang 43 government vehicle assets ang ide-deploy upang magsakay ng mga commuter, partikular ang mga na-stranded dahil sa masamang panahon.

“Ide-deploy ang 43 vehicle assets ng pamahalaan para alalayan ang ating mga komyuter na na-stranded,” ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez.

Sakop ng libreng sakay ang mga sumusunod na ruta, vice versa:

1. Quiapo–Fairview
2. Lawton–PITX
3. Divisoria–Cubao via Nagtahan
4. Baclaran–Monumento via Taft
5. Lawton–Muntinlupa (Starmall)
6. Heritage–Market! Market!
7. Monumento–PITX via EDSA Busway
8. Kalentong–Pasig
9. Buendia–Makati Avenue
10. Quiapo–Commonwealth
11. Marikina–Cubao
12. Sta. Mesa–Quezon Avenue via Araneta
13. Baclaran–Sucat

Katuwang ng DOTr sa programa ang Office of the President, Philippine Coast Guard, Philippine Ports Authority, Civil Aviation Authority of the Philippines, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Energy, Department of Labor and Employment at Philippine Army.

Inilunsad ang libreng sakay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may masasakyang transportasyon ang publiko habang maraming lugar sa Metro Manila ang nakararanas ng pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here