Home METRO OPD ng ilang ospital sa Maynila, sinuspinde sa habagat

OPD ng ilang ospital sa Maynila, sinuspinde sa habagat

1
0

MANILA — Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Outpatient Department (OPD) ng ilang ospital sa Maynila ngayong Martes, Agosto 18, 2026, bunsod ng patuloy na sama ng panahon at pagbaha na dulot ng Habagat.

Ipinabatid ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) na sarado ang kanilang OPD ngayong Agosto 18 bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga pasyente at medical personnel.

Inaasahang magpapatuloy ang regular na serbisyo ng OPD ng OMMC sa Miyerkules, Agosto 19, 2026.

Samantala, naglabas din ng abiso ang Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) na pansamantalang ipinasara ang OPD nito ngayong Agosto 18 dahil sa patuloy na epekto ng matinding Habagat at pagbaha sa ilang lugar.

Ayon sa JJASGH, magbabalik ang regular na operasyon ng OPD sa Agosto 19. Patuloy namang bukas ang kanilang Emergency Room (ER), inpatient services at iba pang mahahalagang serbisyo ng ospital.

Sa Pres. Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco, pansamantala ring sinuspinde ang lahat ng serbisyo ng OPD ngayong Agosto 18 alinsunod sa ipinatutupad na alternative work arrangement dahil sa masamang panahon.

Gayunman, mananatiling bukas ang ER ng ospital nang 24 oras para sa mga nangangailangan ng agarang atensiyong medikal. Bukas din nang 24 oras ang Leptospirosis Fast Lane.

Samantala, ang mga administrative office ng Aquino General Hospital ay bukas hanggang tanghali upang maasikaso ang mga discharge at PhilHealth processing.

Sa Ospital ng Sampaloc (OSSAM) naman, bukas ang OPD hanggang alas-12 ng tanghali ngayong Agosto 18 at magpapatuloy ang serbisyo gamit ang skeletal staff.

Pinapayuhan ang publiko na unahin ang kaligtasan at iwasang bumiyahe kung hindi kinakailangan, lalo na sa mga lugar na apektado ng pagbaha at malakas na ulan.

Para sa mga emergency, maaaring direktang magtungo sa pinakamalapit na emergency room na patuloy na nagbibigay ng 24-oras na serbisyo.

Pinapayuhan din ang mga pasyente na manatiling nakatutok sa opisyal na social media pages ng mga ospital para sa iba pang anunsyo at update kaugnay ng operasyon ng kanilang mga serbisyo. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here