Home NATIONWIDE P2-Trilyon, ginastos sa flood control mula 2011-2025, pero baha pa rin –...

P2-Trilyon, ginastos sa flood control mula 2011-2025, pero baha pa rin – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Sa kabila ng ginastos ng pamahalaan na humigit-kumulang sa P1.939 trilyon sa flood control management program ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2011 hanggang 2025, “uncontrolled’ pa rin ang mga baha, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes ng gabi.

Ginawa ni Lacson ang obserbasyon matapos magdulot ng malawakang pagbaha at pagkaparalisa ng mga aktibidad sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila, ang malalakas na pag-ulan ng habagat nitong mga nakaraang araw.

“FLOOD CONTROL VS UNCONTROLLED FLOOD: PhP1.939 trillion funded the DPWH flood control management program under three presidents from 2011-2025 and the result is uncontrolled flood,” aniya sa isang post sa X.

Binanggit ni Lacson ang historical data sa gastusin ng DPWH para sa flood management sa ilalim ng mga administrasyong Aquino, Duterte at Marcos mula 2011 hanggang 2025, kung saan lumampas sa P100 bilyon ang taunang pondo para sa flood management noong 2018:

2011: P11.323 bilyon
2012: P10.816 bilyon
2013: P15.817 bilyon
2014: P30.001 bilyon
2015: P47.849 bilyon
2016: P67.740 bilyon
2017: P81.223 bilyon
2018: P139.001 bilyon
2019: P126.062 bilyon
2020: P116.047 bilyon
2021: P140.462 bilyon
2022: P145.622 bilyon
2023: P287.018 bilyon
2024: P346.771 bilyon
2025: P372.814 bilyon

Noong nakaraang taon, sinabi ni Lacson na bagama’t higit P1 trilyon ang ginastos ng DPWH para sa flood management sa nakalipas na 15 taon — o mga P350 milyon kada araw — patuloy pa rin ang problema sa pagbaha.

Mula noon, isiniwalat niya ang mga maanomalyang flood control project sa mga lugar kabilang ang Bulacan at Oriental Mindoro sa pamamagitan ng mga privilege speech at pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Kasama rin ang kanyang mga tauhan, natuklasan niya ang ilang maanomalyang slope protection project at ilegal na reclamation activities sa Taguig City, at isinumite na ang mga kaugnay na ebidensya sa Office of the Ombudsman. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here