MANILA, Philippines — Dumami ang mga China Coast Guard (CCG) at Chinese research at survey vessels na namonitor ng Pilipinas sa West Philippine Sea at iba pang maritime zones ngayong 2026, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Batay sa datos ng AFP, tumaas mula 68 hanggang 77 ang bilang ng iba’t ibang CCG vessels na namataan, habang ang research at survey vessels ay umakyat mula 33 hanggang 44.
Kabaligtaran nito, bumaba mula 100 hanggang 78 ang namonitor na People’s Liberation Army-Navy vessels at mula 999 hanggang 850 naman ang China Maritime Militia vessels.
Ayon sa AFP, maaaring indikasyon ang naturang pagbabago sa deployment pattern na mas binibigyang-diin ng China ang paggamit ng coast guard o law enforcement vessels sa West Philippine Sea.
Binabantayan din ng AFP ang 16 research at survey vessels na may “unusual track patterns” sa maritime zones ng Pilipinas at iba pang areas of interest.
Ayon sa militar, ang galaw ng mga barko ay posibleng may kaugnayan sa marine scientific research o hydrographic surveys, partikular sa mga lugar malapit sa Kalayaan Island Group, silangang bahagi ng Luzon, Balintang Channel at Bashi Channel.
Tiniyak naman ng AFP na ipagpapatuloy nito ang maritime at air operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang bantayan ang mga aktibidad sa karagatan at protektahan ang soberanya, sovereign rights at maritime interests ng bansa. Dave Baluyot