ZAMBOANGA CITY — Inakala umano ng ilan sa Ateneo de Zamboanga University na bahagi ng simulation exercise o security drill ang putukan na kanilang narinig bago matuklasang aktuwal na pamamaril na pala ang nagaganap nitong Martes, Agosto 18.
Sinabi ni Zamboanga City Vice Mayor Isabelle “Beng” Climaco sa isang pahayag sa radyo na naghahanda ang paaralan ng mga simulation exercise bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad matapos ang naunang school shooting sa Tacloban City.
“Kaya kanina, akala nila that was already the simulation exercise that happened,” ani Climaco sa panayam.
Nauna nang nagsagawa ng active shooter simulation exercise ang Ateneo de Zamboanga noong Hulyo 18, isang buwan bago ang aktuwal na pamamaril. May paghahanda rin umano para sa isa pang simulation exercise na nakatakda sa Setyembre.
Gayunman, sinabi ni Climaco na hinihintay pa rin ng lokal na pamahalaan ang resulta ng police investigation upang matukoy kung paano naipasok sa campus ang mga armas.
Dalawang estudyante ang nasawi sa insidente—isang Grade 10 student at ang Grade 9 student na itinurong gunman. Dalawa pa ang nasugatan, ayon sa paunang impormasyon ng mga awtoridad.
Agad namang rumesponde sa campus ang mga pulis, medical personnel at iba pang emergency responders.
Ayon kay Climaco, nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa mga magulang ng estudyanteng itinurong gunman, na nais din umanong magkaroon ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaril.
Ipinag-utos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa law enforcement agencies ang malalimang imbestigasyon sa insidente at pag-aaral ng mga karagdagang hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na karahasan sa mga paaralan. RNT