Home TOP STORIES Solon: Walang masamang pondohan flood control

Solon: Walang masamang pondohan flood control

56
0

MANILA, Philippines— Iginiit ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na kailangan pa ring pondohan ng gobyerno ang flood-control projects, ngunit dapat tiyaking maayos at transparent ang pagpapatupad ng mga ito.

“Flood control by itself is not necessarily bad. But it is how you implement it,” sinabi ni Quimbo sa isang ambush interview.

Aniya, ipinakita ng mga nagdaang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pangangailangan na ipagpatuloy ang paglalaan ng pondo para sa flood-control infrastructure.

“So ’yan ang lesson natin dito, is we need to keep funding flood control,” dagdag niya.

Para kay Quimbo, hindi rin awtomatikong maituturing na mali ang tinatawag na budget insertions o amendments dahil bahagi ang mga pagbabago sa proseso ng pagbuo ng pambansang badyet.

Gayunman, sinabi niyang kailangang maging transparent ang mga ito at malinaw kung sino ang nagpanukala ng bawat pagbabago o dagdag na pondo.

Nauna na ring nanawagan si Quimbo na ilantad ang proponents ng mga pagbabago sa budget. Sa isang House hearing noong 2025, kinuwestiyon niya ang halos P289-bilyong pagtaas sa DPWH budget matapos ang bicameral conference at iginiit na dapat tukuyin kung sino ang nagpanukala ng mga dagdag na pondo.

Asawa ni Miro si dating Marikina Rep. Stella Quimbo, na naging miyembro ng bicameral conference committee at senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng 2025 national budget. Kabilang din siya sa tinatawag na House “small committee” na tumalakay sa institutional amendments sa panukalang badyet.

Naging acting chairperson lamang si Stella ng House Committee on Appropriations noong Enero 2025 matapos magbitiw sa puwesto si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Nadawit naman ang pangalan ni Stella sa magkahiwalay na alegasyon kaugnay ng kontrobersiya sa flood-control projects.

Sina Belnard Tube at Benny Bulontate, na kabilang sa grupong nagpakilalang dating mga tauhan ni Co, ay sinabing nakapaghatid umano sila ng mga maletang umano’y naglalaman ng pera sa bahay ni Stella.

Sa panayam sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong Marso, sinabi nina Tube at Bulontate na kabilang umano ang tahanan ni Stella sa mga lugar na pinagdalhan nila ng mga maleta.

Nagpakita rin ang grupo ng mga larawan na ayon sa kanila ay kuha kaugnay ng umano’y deliveries.

Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang mga imbestigasyon ukol sa isyu at wala pa ring napapatunayan sa mga naturang mga alegasyon.

Noong Hunyo, sinabi ng National Bureau of Investigation na ang mga alegasyon ng cash deliveries ng grupo ay wala pang sapat na independent evidence, corroborating documents at testimonya mula sa mga saksi na may personal na kaalaman upang makapagtatag ng probable cause. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here