MANILA, Philippines — Tatlong tropical depression ang binabantayan ng PAGASA sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang patuloy na pinalalakas ng mga weather system ang Habagat na nagdadala ng malakas na ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.
Sa Tropical Cyclone Bulletin No. 2 na inilabas alas-11 ng gabi nitong Martes, Agosto 18, sinabi ng PAGASA na namataan ang Tropical Depression Neneng sa layong 745 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometers per hour (kph) at pagbugsong hanggang 55 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kph.
Wala namang Tropical Cyclone Wind Signal na nakataas dahil kay Neneng at maliit ang posibilidad na tumama ito sa Pilipinas. Inaasahang kikilos ito pahilagang-kanluran at maaaring mag-landfall sa silangang bahagi ng Taiwan sa Huwebes, Agosto 20, bago humina bilang remnant low.
Bukod kay Neneng, dalawang tropical depression pa ang minomonitor sa labas ng PAR. Ang isa ay nasa West Philippine Sea, nasa 520 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan, habang ang isa naman ay nasa mahigit 3,100 kilometro silangan ng Mindanao malapit sa Micronesia.
Bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa bansa si Neneng, patuloy nitong pinalalakas, kasama ng tropical depression sa West Philippine Sea, ang southwest monsoon o Habagat.
Ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa 100 hanggang 200 millimeters ang ulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro hanggang tanghali ng Agosto 19. Mula tanghali ng Agosto 19 hanggang tanghali ng Agosto 20, maaaring tumanggap ng kaparehong dami ng ulan ang Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Maaari ring makaranas ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan ang Metro Manila at ilang bahagi ng Northern at Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha, partikular sa mabababang lugar, urban areas at mga komunidad malapit sa ilog. Posible rin ang rain-induced landslide sa mga lugar na bulnerable sa pagguho, lalo na kung saturated na ang lupa dahil sa mga naunang pag-ulan.
Inaasahan ding magdadala ang pinalakas na Habagat ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin sa karamihan ng Luzon at Visayas, gayundin sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Davao Region hanggang Huwebes. RNT