GRABE ang mga pagbaha kamakalawa hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba.
Mas grabe ang pagbaha kahapon, lalo na sa parteng Central Luzon, ayon sa Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services administration.
Kamakalawa, heto ang kabilang sa mga nagkaroon ng matinding pagbaha: CAR (Cordillera Administrative Region), NCR (National Capital Region), Region 1 (Ilocos) Region 3 (Central Luzon), Region 4-A (CALABARZON), Region 4-B (MIMAROPA) at Region 5 (Bicol Region).
Kahapon naman, General Flood Advisory (Extreme) naman ang ibinabala ng DOST-PAGASA para sa Central Luzon dahil umano sa manaka-naka at katamtamang mga pag-ulan hanggang malalakas na may kasamang mga pagkulog at pagkidlat.
Kabilang sa mga sakop ng babala rito ang Zambales, Bataan, Aurora at Bulacan.
Mga ilog at sangay ng mga ito ang inaasahang mababaha nang todo ngunit alam naman nating may mga binabahang lugar, lalo na sa Bulacan na dalawang linggo nang hindi nilalayasan ng baha.
WALA NANG HIYA, MAY IMPEACHMENT PA
Habang nagaganap ang mga pagbaha kamakalawa, kitang-kita ang masasayang mukha ng mga mambabatas na naroon sa loob ng Impeachment Court laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa kanilang mga kritiko, kasama na sina Senator Imee Marcos at Batangas Congressman Leandro Legarda-Leviste, nakatanggap ng hanggang P20 milyon ang bawat bumoto ng Yes sa impeachment.
Ito ba ang dahilan kung bakit masasaya sila at kung bakit wala silang hiya na humarap sa taumbayan?
Gayunman, walang umamin sa mga ito at sa halip, lahat ay nag-deny lahat.
Naroon din ang ilan sa mga inakusahang tumanggap ng male-maletang perang galing sa kikbakan sa flood control program, ayon sa 18 ex-Marines na badigard ni dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co.
Todo-deny rin ang mga ito at may nagsampa pa nga ng mga kaso laban sa mga dating sundalo habang ang isang kongresman ay nagsabing, “Ibinigay naman iyon, hindi naman hiningi!”
Paglabas nila mula sa trial, hayun, bumungad sa kanila ang mga katakot-takot na baha sa Senado mismo at Metro Manila.
Hindi kaya sila nahiya paglabas nila sa Impeachment Court at paglusong sa baha na kagagawan nila?
MATINDING BUNGA
Sa mga ordinaryong mamamayan, may umabot ang biyahe ng pitong oras mula lamang sa Quezon City Circle hanggang Intramuros, Manila para pumasok sa trabaho.
Naparalisa naman ang buong gobyernong lokal at nasyunal sa parteng hapon.
At kahapon naman, idineklara ng Impeachment Court na walang pagdinig.
Ang milyon-milyong mag-aaral, naperwisyo rin at kasama nilang naperwisyo ang mga nanahanan sa mababang lugar at bahain at maliliit na negosyante nabubuhay lang sa araw-araw na maliliit na kita.
FLOOD CONTROL PROBE, NASAN NA NGA BA?
Hindi natin masisingil ang Kamara sa kanilang kawalan ng imbestigasyon sa male-maletang kikbakan sa flood control program dahil nagdeklara sila na sila ang pinatutungkulan ng salitang Mahiya Kayo sa flood control kickbacks noong una pa lang.
Pero sa Senado, hinahanap na ng mga tao ang nasimulan nilang imbestigasyon, lalo ngayong napiperwisyo na lahat sa baha na bunga ng male-maletang pera sa kikbakan.
Higit na interesado ang mga mamamayan dito kaysa impeachment.
Senado, sagot!






