BACoor CITY, Cavite – Nakuhanan pa ng hinihinalang shabu ang isang lalaking ipapasok na sana sa Bacoor Custodial Facility matapos sumailalim sa routine body search sa Barangay Molino 2, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jaime,” na naunang inaresto kaugnay ng mga kasong malicious mischief, grave threats at resistance and disobedience to a person in authority.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon nang kapkapan ang suspek bilang bahagi ng karaniwang security procedure bago ipasok sa custodial facility.
Sa isinagawang paghahalughog, nadiskubre ang humigit-kumulang 1.75 gramo ng hinihinalang shabu na nakabalot at nakatago sa loob ng kanyang underwear.
Kabilang din sa mga kasong kinakaharap ng suspek ang paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa ilegal na pag-iingat ng mapanganib na droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacoor Police ang suspek habang isinasagawa ang mga kaukulang proseso kaugnay ng mga kasong kinakaharap nito.