Home NATIONWIDE Solon: School shootings ‘di dahilan para ibalik confidential funds sa DepEd

Solon: School shootings ‘di dahilan para ibalik confidential funds sa DepEd

1
0

MANILA, Philippines — Hindi dapat gamiting batayan ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University upang bigyan ng confidential funds ang Department of Education (DepEd), ayon sa ilang miyembro ng House prosecution panel sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua nitong Martes, Agosto 18, na dapat manatiling nakatuon ang DepEd sa edukasyon habang ang usapin ng peace and order at crime prevention ay pangasiwaan ng mga ahensyang may mandato sa seguridad. Ang pahayag ay ginawa sa press briefing ng House prosecution team.

“Ang focus dapat ng DepEd ay sa pag-aaral, sa curriculum ng ating mga estudyante,” ani Chua.

Ayon sa kongresista, maaaring makipag-ugnayan ang DepEd sa Philippine National Police, local government units at iba pang kinauukulang ahensya sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa seguridad ng mga paaralan.

Iginiit din ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, spokesperson ng prosecution panel, na hindi awtomatikong nangangahulugan ang nangyaring pamamaril na kailangan ng DepEd ng confidential funds. Kabilang sa mga nabanggit niyang maaaring pag-aralang security measures ang paglalagay ng metal detectors sa mga pasukan ng paaralan.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng shooter, kung paano nito nakuha at naipasok ang mga baril sa campus, at iba pang pangyayaring humantong sa insidente.

Kasunod ng insidente, nanawagan din ang ilang mambabatas para sa mas mahigpit na campus security at mas malinaw na koordinasyon ng mga paaralan, pulisya at lokal na pamahalaan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here