MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Sen. Loren Legarda ang pagdududa ng Office of the Ombudsman sa sunod-sunod niyang medical leave, iginiit na isinampa ang mga ito alinsunod sa mga patakaran ng Senado at wala siyang ginawang anumang paglabag.
“Neither I nor anyone else deserves to be subjected to unfounded accusations over the exercise of one’s legal rights. I have committed absolutely no wrongdoing,” saad ni Legarda sa pahayag nitong Martes, Agosto 18.
Nauna rito, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na “quite suspicious” na umano ang paulit-ulit na pagpapalawig ng medical leave ng senador habang nagpapatuloy ang preliminary investigation ng Ombudsman na kinasasangkutan niya at ng kanyang anak na si Batangas Rep. Leandro Leviste.
Batay sa mga tala ng Senado, naghain si Legarda ng medical leave para sa Agosto 3 hanggang 5 at kalaunan ay pinalawig ang kanyang pagliban, kabilang ang Agosto 11 hanggang 12.
Iginiit naman ni Legarda na dapat maging mapanuri ang publiko sa “timing and nature” ng mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
“I remain confident that once the facts come out, we will be vindicated,” aniya.
Kasama sina Legarda, Leviste at dating Energy Secretary Alfonso Cusi sa preliminary investigation na iniutos ng Ombudsman kaugnay ng mga reklamo ng umano’y plunder at graft na may kinalaman sa mahigit P10 bilyong solar energy projects. Ang pagsasagawa ng preliminary investigation ay hindi pa nangangahulugang napatunayang nagkasala ang mga sangkot.
Nauna nang sinabi ni Legarda na walang basehan ang mga alegasyon laban sa kanya at iginiit ang kanyang mahigit tatlong dekadang paglilingkod sa pamahalaan.
Patuloy namang sinusuri ng Ombudsman ang mga reklamong inihain at wala pang pinal na pagdetermina ng pananagutan sa kasong iniimbestigahan. RNT