MANILA, Philippines — Umabot sa tinatayang P3.57 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila na ikinaaresto ng dalawang itinuturing na high-value individuals.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek na sina Guillermo Manguerra, alyas “Bida/Bebot,” 68, at Arlene Lorenzo, alyas “Beng,” 53.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-3:20 ng madaling araw noong Agosto 14 sa isang bahay sa Maria Cristina Street, Barangay 455, Zone 45, Sampaloc.
Narekober sa operasyon ang limang medium-sized plastic sachet at limang knot-tied plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu.
Tinatayang 525 gramo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang droga, na may standard drug price na humigit-kumulang P3.57 milyon.
Ayon sa pulisya, nagtangka umanong tumakas ang mga suspek sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikalawang palapag ng bahay. Nasugatan si Manguerra sa magkabilang paa at dinala sa ospital para sa gamutan.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.
Patuloy na nasa kustodiya ng mga awtoridad si Lorenzo habang nagpapatuloy ang kaukulang legal na proseso. RNT