Home METRO Buntis na aso na natutulog sa ilalim ng sasakyan sa Bacolod, hinataw

Buntis na aso na natutulog sa ilalim ng sasakyan sa Bacolod, hinataw

1
0

BACOLOD CITY — Humingi ng tawad ang lalaking iniuugnay sa umano’y paghampas gamit ang metal na tubo sa buntis na asong gala na si “Latlat” sa Barangay Tangub, Bacolod City, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng City Veterinary Office (CVO).

Sa video na inilabas ng Barangay Tangub at iniulat ng Digicast Negros, humingi ng paumanhin ang lalaking tinukoy lamang bilang alyas “Reggie” matapos siyang ipatawag ng barangay kaugnay ng insidente sa Purok San Roque.

Ayon sa lalaki, nagawa niya umano ang pananakit dahil sa problema sa mga stray dog sa lugar, kabilang ang umano’y pagpatay sa kanyang mga manok at pagkakagat sa kanyang anak.

Nauna nang sinabi ng Bacolod City Veterinary Office na iniimbestigahan nito ang insidente at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang karahasan laban sa mga hayop, pagmamay-ari man o gala.

Si Latlat, 11 buwang gulang at tinatayang anim hanggang pitong linggong buntis, ay nagtamo ng ruptured cornea matapos ang insidente noong Agosto 14. Ayon kay veterinarian Dr. Aaron Pabalan Jr., nananatili siyang nasa veterinary clinic para sa paggamot at obserbasyon ngunit nasa stable condition na at bumuti na ang kanyang gana sa pagkain.

Nauna ring iniulat ng animal welfare group BACH Project PH na nagtamo ang aso ng pinsala sa mata, cheekbone at paa matapos umano itong hampasin habang natutulog sa ilalim ng sasakyan.

Nanawagan ang CVO sa publiko na idaan sa kinauukulang awtoridad ang mga reklamo laban sa mga hayop sa halip na saktan ang mga ito.

Sa ilalim ng Animal Welfare Act of 1998, na pinalakas ng Republic Act No. 10631, maaaring managot ang sinumang mapatunayang gumawa ng cruelty, maltreatment o neglect sa isang hayop, depende sa tindi ng pinsalang idinulot.

Patuloy naman ang pagpapagamot kay Latlat at pagbabantay sa kalagayan ng kanyang mga dinadalang tuta. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here