WASHINGTON — Nagpataw ang Estados Unidos ng sanctions laban kay **International Criminal Court (ICC) President Tomoko Akane** at senior trial lawyer na si **Abdoulaye Seye**, sa pinakabagong hakbang ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa international court.
Ayon kay US Secretary of State Marco Rubio, isinailalim sa sanctions ang dalawang opisyal sa ilalim ng executive order ni Trump na nagpapahintulot ng parusa laban sa mga indibidwal na sangkot sa ilang hakbang ng ICC laban sa mga opisyal ng mga bansang hindi pumayag sa hurisdiksyon ng korte.
“These individuals have directly engaged in efforts by the ICC to investigate, arrest, detain, or prosecute officials whose government has not consented to ICC jurisdiction,” pahayag ni Rubio nitong Martes, Agosto 18, ayon sa Reuters.
Si Akane ay isang Japanese judge at kasalukuyang presidente ng ICC, habang si Seye, isang Senegalese national, ay senior trial attorney na kabilang sa prosecution team na humiling ng arrest warrant laban kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu. Nominado rin si Seye para maging hukom ng ICC.
Mariing kinondena ng ICC ang hakbang ng Washington at sinabing nakapipinsala ito sa rule of law at sa pandaigdigang sistemang panghukuman.
“When judicial actors are threatened for applying the law, it is the international legal order itself that is placed at risk,” pahayag ng ICC.
Sa ilalim ng sanctions, maaaring i-freeze ang anumang ari-arian ng dalawang ICC officials na nasa hurisdiksyon ng Estados Unidos at mahigpitan ang kanilang access sa US financial system.
Naglabas naman ang US Treasury ng pahintulot para sa wind-down ng ilang transaksyong may kaugnayan kina Akane at Seye hanggang Setyembre 17.
Hindi miyembro ng ICC ang Estados Unidos at matagal nang tumututol sa pagsasailalim ng mga mamamayan nito at ng ilang kaalyadong bansa sa hurisdiksyon ng korte nang walang pahintulot ng kani-kanilang gobyerno.
Gayunman, nakasaad sa Rome Statute na maaaring magkaroon ng hurisdiksyon ang ICC sa ilang international crimes na ginawa sa teritoryo ng isang bansang kasapi ng korte kahit ang suspek ay mamamayan ng isang non-member state.
Nauna nang pinatawan ng US ng sanctions ang ilang ICC prosecutors at judges kaugnay ng mga hakbang ng korte laban kina Netanyahu at dating Israeli Defense Minister Yoav Gallant, gayundin sa dating imbestigasyon hinggil sa umano’y mga krimeng kinasasangkutan ng US personnel sa Afghanistan.