MANILA, Philippines — Isa sa bawat apat na Gen Z users ang nakikipag-ugnayan sa artificial intelligence (AI) na parang isang kaibigan, habang marami rin ang gumagamit nito upang pag-usapan ang mga personal na bagay na ayaw nilang ibahagi sa ibang tao, ayon sa isang global study ng cybersecurity company na Kaspersky.
Sa survey ng Kaspersky sa 7,200 respondents mula sa 18 bansa, 27% ng Gen Z respondents ang nagsabing ginagamit nila ang AI na parang kaibigan, habang 28% naman ang kumukonsulta rito tungkol sa mga personal na usaping nag-aatubili silang sabihin sa ibang tao.
Halos kalahati o 47% din ng Gen Z respondents ang gumagamit ng AI araw-araw o halos araw-araw—pinakamataas sa lahat ng demographic groups na sinuri.
Sa mga gamit ng AI, 56% ang gumagamit nito sa paghahanap ng impormasyon, 49% para sa pag-aaral, 47% sa pagbuo ng mga ideya at 39% para sa trabaho.
Gayunman, lumitaw din sa pag-aaral ang panganib sa cybersecurity at privacy habang nagiging mas personal ang pakikitungo ng kabataan sa AI.
Tanging 42% ng Gen Z respondents ang nagsabing palagi silang nagsasagawa ng protective measures gaya ng pagberipika ng impormasyon sa mapagkakatiwalaang sources at pag-iwas sa pagbibigay ng confidential o sensitibong impormasyon. Samantala, 52% ang paminsan-minsan lamang gumagawa nito at 6% ang hindi nagsasagawa ng anumang security precaution.
Nagbabala si Vladislav Tushkanov ng Kaspersky AI Technology Research Center na bagama’t maaaring maging personal ang pakikipag-usap sa AI, hindi ito dapat ituring na pribado o ganap na mapagkakatiwalaang pag-uusap.
Maaari kasing magbigay ang AI systems ng maling impormasyon, habang posibleng makapagbahagi ang users ng sensitibong personal data dahil sa pakiramdam na tila nakikipag-usap lamang sila sa isang kaibigan.
Isinagawa ng Kaspersky ang survey noong Marso 2026 sa respondents mula sa Brazil, China, Colombia, Egypt, France, Germany, India, Indonesia, Italy, Malaysia, Mexico, Russia, Saudi Arabia, Spain, South Africa, Thailand, Turkey at Vietnam. **Hindi kabilang ang Pilipinas sa mga bansang sakop ng survey**, kaya hindi direktang maituturing na representasyon ng paggamit ng AI ng Filipino Gen Z ang mga resulta nito. RNT