Home NATIONWIDE Hazard pay, ‘on-call’ compensation para sa DRRM workers isinusulong sa Kamara

Hazard pay, ‘on-call’ compensation para sa DRRM workers isinusulong sa Kamara

3
0

MANILA, Philippines — Isinusulong sa Kamara de Representantes ang pagbibigay ng hanggang 25% hazard allowance at 50% “on-call” pay sa mga public disaster risk reduction and management (DRRM) workers na humaharap sa panganib sa panahon ng sakuna at emergency.

Sa ilalim ng House Bill No. 2269 o panukalang Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction and Management Workers ni Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas, ang mga DRRM worker na nagsasagawa ng high-risk operations gaya ng search, rescue at retrieval ay maaaring tumanggap ng hazard allowance na hindi lalampas sa 25% ng kanilang daily basic salary.

Ang mga naka-“on-call” naman ay nakatakdang tumanggap ng bayad na katumbas ng 50% ng kanilang regular wage. Nililimitahan din ng panukala sa pitong araw kada buwan ang paglalagay sa isang DRRM worker sa on-call status.

Saklaw ng depinisyon ng public DRRM workers sa panukala ang mga permanent, temporary, contractual at casual personnel, gayundin ang mga naka-Contract of Service (CoS) at Job Order (JO). Gayunman, may mga partikular na kondisyon sa pagbibigay ng ilang benepisyo sa non-permanent workers, kabilang ang sertipikasyon na nagsagawa sila ng high-risk DRRM duties. Hindi naman saklaw ng panukala ang DRRM volunteers.

Bukod sa hazard at on-call pay, nakasaad din sa panukala ang full subsistence allowance para sa mga naka-field duty sa panahon ng emergency, reimbursement ng ilang communication expenses, 5% longevity pay kada limang taon ng kwalipikadong serbisyo, laundry allowance, at libreng living quarters o quarters allowance para sa mga kuwalipikadong personnel.

Itinatakda rin ng panukala ang libreng taunang medical, mental at psychosocial examinations, gayundin ang libreng gamutan, pagpapaospital at gamot kapag kinakailangan batay sa medical examination ng DRRM worker.

Dapat ding mabigyan ang mga responder ng angkop na personal protective equipment, libreng bakuna at prophylactic medicines laban sa mga sakit na maaaring makuha sa kanilang deployment area. Ang mga injury o sakit na natamo habang ginagampanan ang tungkulin ay ituturing na work-connected, alinsunod sa panukala.

Ayon sa explanatory note ng HB 2269, layunin ng panukala na mapabuti ang working conditions, kapakanan at professional development ng mga DRRM worker na regular na nalalagay sa mapanganib na sitwasyon habang tumutugon sa mga kalamidad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here