MANILA, Philippines – Sa gitna ng matinding pagbuhos ng ulan sa Metro Manila, kapansin-pansin umano ang malaking tulong ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP) ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dahil sa proyektong ito, hindi umapaw ang ilog at naprotektahan ang mga residente ng Marikina at Pasig City mula sa matinding baha, lalo na’t ilang linggo nang walang tigil ang pag-ulan.
Aniya, ayon sa Department of Public Works and Highways, sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, utos ng Pangulo na padaliin ang konstruksyon ng flood mitigation structures sa kahabaan ng Marikina River katuwang ang Japan International Cooperation Agency o JICA.
Sa ngayon, ani Castro, nasa 53% na ang konstruksyon ng naturang proyekto. Kasama rin dito ang pagtatayo ng floodgates, pumping stations, at iba pang istruktura upang makontrol ang tubig sa Manggahan Floodway at tuluyang mabawasan nang humigit-kumulang 63% ang mga binabahang lugar na sakop ng Pasig-Marikina River Basin.
Samantala, nakatutok aniya si Pangulong Marcos sa sitwasyon sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa na patuloy na nakararanas ng matinding pag-ulan.
Patuloy aniyang naka-monitor ang Pangulo upang mabantayan ang seguridad ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Utos ng Chief Executive sa lahat ng ahensya na iprayoridad ang kaligtasan ng mga residente at siguruhing maaabot ng tulong ang mga nasalanta ng baha, aniya pa.
Sa kabilang dako, ang Office of Civil Defense ay naglabas ng kanilang response cluster member agencies upang agad na magbigay ng tulong hindi lamang sa mga local government units kundi sa lahat ng mga apektadong residente.
Ipinag-utos na rin ang libreng sakay sa Metro Manila habang naka-standby ang search and rescue units. Samantala, patuloy naman ang relief operations ng pamahalaan.
Tiniyak din aniya ng gobyerno ang tuluy-tuloy na clearing operations at medical assistance sa mga sinalanta ng baha.