MANILA, Philippines – ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga dam, tiniyak ng National Irrigation Authority (NIA), sa pangunguna ni Administrator Eduardo “Eddie” Guillen, na nakatutok ang kanilang tanggapan sa lebel ng tubig sa Pantabangan at Magat Dam.
Batay ito sa kanilang pinakabagong ulat, nasa 178.27 meters above sea level na ang water level sa Magat Dam sa Isabela habang nasa 187.72 meters above sea level naman ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.
Sa press biefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na Iniulat din ng NIA na walang nakabukas na spillway gate sa dalawang dam at wala ring naiulat na spill discharge.
Ayon kay NIA Administrator Eddie Guillen, walang naitalang malawakang pinsala sa mga pananim na palay.
Sa kabilang dako ay inilahad naman ng tanggapan na naging kapaki-pakinabang ang pag-ulan dahil napalakas nito ang irigasyon sa ating mga sakahan.
“Ayon sa datos ng NIA, katumbas ng 90,000 hectares ang kayang patubigan ng Magat Dam at 100,000 hectares naman mula sa Pantabangan Dam dahil sa pag-ulan. Malaking ginhawa ang hatid nito sa ating mga magsasaka na naapektuhan ng El Niño,” ayon kay Castro.
Makakaasa naman aniya ang taumbayan na patuloy ang pag-monitor ng NIA sa water level ng mga dams sa kabila ng sunud-sunod na pag-uulan. KRIS JOSE