Home NATIONWIDE Kaso ng leptospirosis sa Maynila tumaas

Kaso ng leptospirosis sa Maynila tumaas

1
0

MANILA, Philippines – Tumaas ang kaso ng leptospirosis sa Maynila kasunod ng patuloy na pag-ulan at pagbaha na dala ng Habagat o southwest monsoon.

Ayon kay Manila OIC City Health Officer Dr. Grace Hermoso Padilla, walo ang naitalang kaso ng leptospirosis noong Agosto 18 lang, mas mataas kumpara sa isang kaso na naireport kinabukasan sa mga ospital sa Maynila.

Batay sa datos ng City Health Office, nakapagtala ang Maynila ng 156 kaso ng leptospirosis sa unang kalahati ng 2026. Mas mataas ito kumpara sa 419 kaso naitala sa buong 2025.

Sa hiwalay na surveillance data na sumasaklaw sa 130 na naiulat na kaso, 101 o 77.69% ay lalaki, habang 29 o 22.31% ay babae. Ang edad ng mga pasyente ay mula 5 hanggang 76 taong gulang.

Ang pinakamaraming naapektuhan ay ang mga binatang lalaki, lalo na ang mga nasa edad 20 hanggang 24 noong monitoring week 31.

Sinabi ni Padilla na ang kamakailang pagtaas ng kaso ay tugma sa panahon ng exposure sa baha, dahil sa incubation period ng sakit.

Ang leptospirosis ay kumakalat sa pamamagitan ng ihi ng mga hayop na may impeksyon, at tumataas ang panganib nito pagkatapos ng baha kapag nalantad ang tao sa kontaminadong tubig o lupa.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), kung hindi magagamot, maaaring humantong ang leptospirosis sa kidney damage, meningitis o pamamaga ng membrane sa utak at spinal cord, liver failure, hirap sa paghinga, at maging kamatayan.

Kinilala ni Padilla na maaaring tumaas pa ang bilang ng kaso sa mga susunod na araw, pero tiniyak niyang kontrolado pa rin ang sitwasyon.

Sinabi niya na nakapaghanda na ang Maynila ng doxycycline para sa mga residente na *nalusong sa baha.

Hinikayat ng opisyal ng kalusugan ang mga magulang na agad magpatingin kung ang mga batang nalusong sa baha ay nakitaan ng sintomas.

Nilinaw ni Padilla na hindi applicable sa mga bata at buntis ang regular na doxycycline prophylaxis para sa exposure sa leptospirosis. Aniya, may mga gamot na akma para sa mga bata sa mga health center at ospital.

Samantala, binabantayan din ng Maynila ang mga kaso ng dengue.

Nakapagtala ang lungsod ng 2,276 kaso ng dengue sa unang kalahati ng 2026, kumpara sa 3,782 kaso sa buong 2025.

Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng dalawang sakit, sinabi ni Padilla na handa ang mga ospital ng Maynila na tumanggap ng karagdagang pasyente.

May sapat ding supply para sa dialysis ng mga pasyenteng may leptospirosis, habang may sapat na IV fluids ang mga ospital para sa mga pasyenteng may dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here