Home NATIONWIDE US cyber director, sinibak matapos sunod-sunod na tech outages

US cyber director, sinibak matapos sunod-sunod na tech outages

1
0

WASHINGTON – Sinibak sa puwesto si US National Cyber Director Sean Cairncross kasunod ng sunod-sunod na aberya sa mga technology system na nakaapekto sa air travel, banking at national security networks ng Estados Unidos.

Ayon sa ulat ng Reuters nitong Huwebes, Nobyembre 19, sinabi ng isang source na malapit sa White House na sinuportahan ni US President Donald Trump ang pagtanggal kay Cairncross.

Pansamantalang hahalili sa kaniya si Department of Defense Chief Information Officer Kirsten Davies, habang hinihintay ang pagkumpirma ng permanenteng kapalit ng US Senate.

Kabilang sa mga naitalang aberya nitong nakaraang linggo ang pansamantalang paghinto ng air travel sa buong bansa, pagkawala ng access sa ilang Microsoft email services at pagkagambala sa internal network ng US National Security Agency (NSA).

Nakararanas din ng problema ang ilang banking services na nagdulot ng pagkaantala sa mga transaksiyon.

Dahil dito, umani ng batikos ang administrasyong Trump dahil sa naging pagtugon nito sa sunod-sunod na technical disruptions.

Gayunman, sinabi ni US Director of National Intelligence Jay Clayton sa pagdinig sa Kongreso na walang ebidensiyang magkakaugnay ang mga insidente o bahagi ang mga ito ng koordinadong cyberattack na suportado ng ibang bansa.

Ayon sa kaniya, magkakahiwalay na aberya ang mga ito na may kaugnayan sa maintenance at mga pagbabagong teknikal sa mga sistema.

Dating executive ng Republican National Committee si Cairncross bago niya pamunuan ang Office of the National Cyber Director, na nangangasiwa sa pagbuo at koordinasyon ng mga polisiya at estratehiya sa cybersecurity ng pederal na pamahalaan.

Kailangang dumaan sa kumpirmasyon ng Senado ang permanenteng kapalit niya, na inaasahang mas magiging komplikado dahil kontrolado na ng mga Democrat ang Senado simula Enero. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here