MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni House Assistant Minority Leader Chel Diokno ang nakikitang pagbaba sa ilang proposed appropriations para sa edukasyon, kalusugan at social protection sa ilalim ng P7.2-trilyong panukalang pambansang budget para sa 2027.
Ayon kay Diokno, kabilang sa kanyang binabantayang alokasyon ang P916.7 bilyon para sa Department of Education (DepEd), mula P961.3 bilyon; P134.5 bilyon para sa State Universities and Colleges (SUCs), mula P137.9 bilyon; P34.6 bilyon para sa Commission on Higher Education (CHED), mula P47.5 bilyon; at P20.8 bilyon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mula P26 bilyon.
Makikita rin sa mismong 2027 National Expenditure Program ng Department of Budget and Management na ang **new general appropriations ng CHED ay P34.602 bilyon**, kumpara sa P47.521 bilyon noong 2026. Para naman sa TESDA, P20.895 bilyon ang panukalang new general appropriations mula P26.061 bilyon ngayong 2026.
Binanggit din ni Diokno ang tinatayang P30-bilyong pagbaba sa pondo ng Department of Health at P50-bilyong bawas para sa PhilHealth.
“We urge the committee to review and reprioritize funding for our schools, state universities, health services and social protection,” ani Diokno.
Iginiit niya na mas dapat unahin ang pamumuhunan sa mga estudyante, manggagawa, pamilya at komunidad kaysa maglaan ng mas malaking pondo sa mga programang may problema umano sa paggamit at pagpapatupad.
Kinuwestiyon din ni Diokno ang paliwanag na absorptive capacity at budget utilization ang ilan sa mga dahilan ng pagbaba ng proposed allocations, habang aniya’y tumaas naman nang humigit-kumulang P112 bilyon ang pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kabila ng mga isyung ibinabato sa ahensya.
Gayunman, sa hiwalay na budget presentation ng DBM, inilagay ng ahensya sa **P976 bilyon** ang kabuuang allocation na inilalarawan nitong para sa basic education “through DepEd,” at sinabi nitong nananatiling pinakamalaking departmental priority ang edukasyon. P176.5 bilyon naman ang inilagay para sa pinagsamang SUCs at CHED.
Nasa Kongreso na ang 2027 National Expenditure Program at daraan pa ito sa deliberasyon at posibleng pagbabago bago maging General Appropriations Act. RNT