MANILA, Philippines — Magsasagawa ang Department of Education (DepEd) ng nationwide school safety drill sa Agosto 25 bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda at seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa Tacloban at Zamboanga City. Kinumpirma ng Malacañang ang iskedyul sa press briefing nitong Agosto 19.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na nire-review ng pamahalaan ang security situation at umiiral na mga hakbang sa mga paaralan kasunod ng panibagong insidente sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18.
“Ngayong nagkaroon ng panibagong insidente sa Zamboanga kahapon, patuloy nating nire-review ang security situation at mga existing measures sa mga paaralan, lalo na kung may kailangan dagdagan o ayusin,” ani Castro.
Nauna nang inanunsyo ng DepEd ang paglulunsad ng **active shooter drills sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa** bilang bahagi ng mga hakbang upang ihanda ang mga mag-aaral, guro at school personnel sa mga insidenteng may armadong salarin.
Tiniyak din ng Malacañang na may mapagkukunan ng pondo ang mga pampublikong paaralan para sa pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad.
Ayon kay Castro, karaniwang nakapaloob sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at regular programs ng mga pampublikong paaralan ang gastusin para sa security services at hindi ito kinakailangang nakahiwalay bilang isang budget item.
Samantala, sinabi ng Palasyo na hindi dapat agad iugnay sa tinatawag na “copycat” phenomenon ang mga bagong banta o insidente hangga’t walang beripikadong impormasyon.
Ani Castro, kailangang agad na i-validate at i-assess ng pulisya at iba pang kinauukulang ahensya ang anumang partikular at credible na banta sa seguridad ng mga paaralan.
Kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, iniutos din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa insidente at ang pagpapatibay ng mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan. Santi Celario