Home HOME BANNER STORY 10.3M pamilyang Pinoy tingin sa sarili mahirap; 5.6M nakaranas ng gutom —...

10.3M pamilyang Pinoy tingin sa sarili mahirap; 5.6M nakaranas ng gutom — OCTA

1
0

MANILA, Philippines — Umakyat sa tinatayang 10.3 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang pamilya, habang nasa 5.6 milyon naman ang nakaranas ng gutom, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.

Batay sa survey, tumaas sa 39% noong Hulyo ang self-rated poverty mula 35% noong Marso. Katumbas ito ng pagdagdag ng tinatayang 1.1 milyong pamilya mula sa dating 9.2 milyon.

Umakyat din sa 21% mula 17% ang self-rated hunger sa parehong panahon, o mula tinatayang 4.5 milyon tungong 5.6 milyong pamilya.

Gayunman, sinabi ng OCTA na 87% ng mga pamilyang nakaranas ng gutom ang nagsabing nangyari lamang ito nang isang beses o ilang beses at hindi palagian.

Nananatiling pinakamataas sa Mindanao ang self-rated poverty at food poverty, habang Balance Luzon naman ang nagtala ng pinakamataas na hunger incidence sa mga pangunahing geographic area. Mas mabigat din ang tatlong sukatan sa mga pamilyang kabilang sa Class E.

Isinagawa ang face-to-face survey mula Hulyo 4 hanggang 11, 2026 sa 1,200 respondents na edad 18 pataas. May ±3 percentage points na margin of error ang national estimates sa 95% confidence level, habang ±6 percentage points naman para sa NCR, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.

Mahalagang linawin na ang self-rated poverty ay nakabatay sa sariling pagtataya ng respondents sa kalagayan ng kanilang pamilya at hindi kapareho ng opisyal na poverty incidence ng Philippine Statistics Authority, na gumagamit ng income at poverty-threshold methodology. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here