Home HOME BANNER STORY ‘Pagbaligtad’ ni Guteza, minaliit ng Ombudsman; may 28 pang testigo vs Romualdez

‘Pagbaligtad’ ni Guteza, minaliit ng Ombudsman; may 28 pang testigo vs Romualdez

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng Office of the Ombudsman na hindi nakasalalay sa isa o ilang testigo ang imbestigasyon nito kay dating House Speaker Martin Romualdez, kasunod ng pagbawi ni dating Marine personnel Orly Guteza sa kanyang naunang testimonya.

Sa press statement nitong Huwebes, Agosto 20, inihayag ng Ombudsman na mayroon itong 28 testigo na handang magbigay ng “direkta at materyal na kaalaman” kaugnay ng mga transaksyong sinisiyasat sa kaso ni Romualdez.

Ayon sa Ombudsman, ang mga naturang testigo ay mga nakaunipormeng indibidwal na aktibo pa rin sa serbisyo at kasalukuyan nang nasa ilalim ng legal na proseso. Hindi naman tinukoy sa pahayag ang kanilang mga pangalan, ahensyang kinabibilangan o partikular na impormasyong kanilang hawak.

“Hindi bago ang recantation sa mga high-profile case. Classic pressure tactic ito. Hindi umiikot ang buong imbestigasyon sa iisa o kahit sa ilang witnesses,” saad ng Ombudsman.

Nauna rito, binawi ni Guteza ang kanyang naunang testimonya na nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng salapi. Noong Setyembre 2025, humarap si Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee at sinabing kabilang siya sa mga naghatid umano ng cash sa tirahan ng dating House speaker.

Sa kanyang pagbawi, itinanggi ni Guteza ang naunang salaysay at inakusahan sina Sen. Rodante Marcoleta at dating kongresistang Mike Defensor na sangkot umano sa pagbuo ng kuwento laban kay Romualdez. Ang mga naturang alegasyon ay kailangan ding patunayan sa kaukulang proseso.

Binigyang-diin naman ng Ombudsman na obligasyon ng sinumang saklaw ng legal na proseso na makipagtulungan sa imbestigasyon.

“Sinuman ang mangahas humadlang, mangbara o manggulo sa proceedings ng Ombudsman ay haharap sa buong bigat ng batas,” saad pa ng tanggapan.

Nauna nang kinuwestiyon ng kampo ni Romualdez ang patuloy na paggamit ng Ombudsman sa testimonya ng ilang testigong kalaunan ay nagbawi ng kanilang mga pahayag.

Iginiit naman ng Ombudsman nitong Huwebes na magpapatuloy ang imbestigasyon sa kabila ng mga recantation.

“Hindi hihinto ang paghahanap ng katotohanan kahit ayaw pang magsalita ninuman,” pagtatapos nito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here