Home NATIONWIDE Rep. Pulong, bumuwelta kay Kapunan sa pagkonekta sa Dutertes sa ‘culture of...

Rep. Pulong, bumuwelta kay Kapunan sa pagkonekta sa Dutertes sa ‘culture of violence’ 

1
0

MANILA, Philippines — Bumuwelta si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kay impeachment private prosecutor Atty. Lorna Kapunan matapos iugnay nito ang ilang pahayag at aksyon ng pamilya Duterte sa umano’y umiiral na “culture of violence” sa bansa.

Sa pahayag nitong Agosto 19, iginiit ni Duterte na hindi dapat gamitin ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University upang isulong ang tinawag niyang “anti-Duterte narrative” o impeachment propaganda.

“Ang nangyari sa Ateneo de Zamboanga ay isang krimen na kailangang imbestigahan at panagutin ang mga responsable — not another episode ng impeachment propaganda,” ani Duterte.

Nauna rito, sinabi ni Kapunan sa isang online press conference na hindi niya direktang sinisisi si Vice President Sara Duterte sa school shooting ngunit naniniwala siyang nakadaragdag sa problema ng karahasan ang ilang pahayag ng Bise Presidente.

Binanggit niya ang mga naunang pahayag ni Duterte hinggil sa pagkuha umano ng assassin at mga banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez—mga usaping kabilang din sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment case.

“I am not saying the Vice President is responsible. I am saying she certainly is contributing to the problem and not to the solution,” ani Kapunan.

Binalaan naman ni Pulong si Kapunan laban sa pag-uugnay ng trahedya sa impeachment proceedings at hinamon ang prosecution na ituon ang usapin sa ebidensiya.

“Kung may ebidensiya, ilabas. Kung may kaso, patunayan,” ani Duterte.

Bumuwelta rin ang kongresista sa panawagan ng Akbayan na personal na humarap si Vice President Duterte sa impeachment trial upang mapabilis ang paglilitis.

Ayon kay Pulong, maaaring katawanin ng kanyang mga abogado ang Bise Presidente at hindi nangangahulugang umiiwas ito sa pananagutan dahil hindi personal na dumadalo sa bawat pagdinig.

“Speedy trial does not mean speedy surrender to a predetermined narrative,” aniya.

Patuloy na dinidinig sa Senado, na nakaupo bilang impeachment court, ang kaso laban kay Vice President Duterte. Ang mga alegasyon sa Articles of Impeachment ay nananatiling subject ng paglilitis at hindi pa katumbas ng judicial finding of guilt. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here