BATAAN — Mahigit 8,000 residente sa Bataan ang napilitang lumikas o pansamantalang tumuloy sa kanilang mga kamag-anak dahil sa patuloy na pagbaha dulot ng Habagat, habang pinag-aaralan na ang paglalagay sa buong lalawigan sa ilalim ng state of calamity.
Sinabi ni Gov. Jose Enrique Garcia III na mahigit 4,000 residente ang nasa evacuation centers, habang mahigit 4,000 pa ang nakituloy muna sa bahay ng kanilang mga kamag-anak.
Kabilang sa mga binahang lugar ang Hermosa, Dinalupihan at Mariveles.
Ayon kay Garcia, nagrekomenda na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management emergency council na magdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha.
Nakatakdang talakayin ng Sangguniang Panlalawigan nitong Huwebes ang rekomendasyon. Sa pinakahuling update, rekomendasyon pa lamang ito at wala pang kumpirmadong deklarasyon ng state of calamity para sa buong lalawigan.
Sinabi rin ng gobernador na mahigit 1,400 millimeters ng ulan ang naitala sa nakalipas na 18 araw, dahilan upang maging saturated o lubhang basa na ang lupa at hindi na agad masipsip ang tubig kapag bumubuhos ang malakas na ulan.
Apektado rin aniya ang kabuhayan ng mga residente dahil marami ang hindi makapasok sa trabaho.
Samantala, patuloy ang banta ng pag-ulan sa Bataan. Sa rainfall advisory ng PAGASA alas-8 ng umaga nitong Agosto 20, inaasahan pa rin ang light to moderate rains na may paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa lalawigan dahil sa Habagat.
Pinag-aaralan din ng pamahalaang panlalawigan ang mga pangmatagalang hakbang laban sa pagbaha, kabilang ang proposed coastal defense system, bukod sa dredging at desilting ng mga ilog na hinihingi nito sa Department of Public Works and Highways. Mary Anne Sapico