Home METRO Cyberpatrol vs pagkalat ng mga video sa shooting incident sa Zamboanga, pinalakas...

Cyberpatrol vs pagkalat ng mga video sa shooting incident sa Zamboanga, pinalakas ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang cyberpatrol operations nito upang maalis online ang mga larawan at video na may kaugnayan sa fatal shooting sa Ateneo de Zamboanga University.

Inatasan ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na makipag-ugnayan nang mas mahigpit sa mga social media platform para mapigilan ang pag-access, pag-share at pag-repost ng mga materyal mula sa insidente, lalo na ng mga menor de edad.

“This is an unfortunate incident that should be treated with utmost sensitivity, especially that there were minors involved in the content. Let us all be compassionate over this tragedy and it starts by showing respect and becoming responsible netizens,” ani Nartatez.

Hinimok din niya ang publiko na huwag magbahagi o mag-repost ng mga larawan at video dahil maaari itong magdulot ng karagdagang trauma sa mga biktima at kanilang pamilya at makaapekto sa patuloy na imbestigasyon.

Dalawang estudyante ang nasawi at hindi bababa sa anim ang nasugatan sa pamamaril sa paaralan sa Zamboanga City noong Martes. Isang Grade 8 student umano ang nagpaputok ng baril sa loob ng campus.

Isang Grade 10 student ang napatay sa loob ng classroom. Pagkatapos nito, umakyat umano ang suspek sa fifth floor ng school building at binaril ang sarili.

Ayon kay Nartatez, kailangang masusing imbestigahan ang insidente upang malaman kung may pattern at makahanap ng mga hakbang para maiwasang maulit ang ganitong trahedya.

Ang mga baril na ginamit sa insidente ay naugnay sa isang personnel ng Bureau of Customs (BOC) na ama ng suspek.

Ayon naman sa naunang pahayag ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso, sinasabing nakaranas ng pressure ang estudyante dahil sa kanyang grades at nakaranas umano ng depression.

Sinabi rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakapasok ang mga baril sa paaralan matapos dumating ang estudyante sakay ng sasakyan ng kanyang ama at malusutan ang security check. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here