Home NATIONWIDE Pinakamalaking pumping station ng MMDA ininspeksyon ni PBBM

Pinakamalaking pumping station ng MMDA ininspeksyon ni PBBM

8
0

MANILA, Philippines – Sinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes, Agosto 20 ang pinakamalaking pumping station na pinatatakbo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City.

Isinagawa ang inspeksyon sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Barangay 190, Bac 1-11, Pasay City kung saan binanggit  ng Pangulo ang problema sa pagbaha tuwing tag-ulan, lalo na kapag nadadagdagan ito dahil sa maling pagtatapon ng basura.

“Nandito naman tayo sa pumping station. Tinitingnan natin kung sapat dahil ang katotohanan ay talagang napakarami ang tubig na bumabagsak ngayon compared sa mga nakaraan na taon,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Kaya’t kailangan tingnan natin kung sapat ang volume na kaya ng mga bomba natin para ilabas ang tubig. Siyempre, ang nakikita nating problema, number one, ‘yung basura ulit. Kasi, kaya’t ‘yan ang tiningnan natin, okay naman, malakas naman ‘yung mga bomba natin, umaandar naman silang lahat,”ayon pa sa Punong Ehekutibo.

Sa inspeksyon, kasama ng Pangulo sina MMDA Chairman Romando Artes, MMDA General Manager Nicolas Torre III, at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.

Pagdating sa pumping station, ipinaliwanag ni Chairman Artes kay Pangulong Marcos ang mga clearing at waste management operations sa Tripa de Gallina Pumping Station. Ito ang pinakamalaki sa 73 pumping stations na pinatatakbo ng MMDA sa Metro Manila.

Pinanood din ng Pangulo ang operasyon ng trash rake facilities, na kumukuha ng basura at iba pang debris mula sa estero.

Ang mga nakolektang basura ay inililipat sa conveyor belt para sa tamang pagtatapon.

Pagkatapos nito, nagtungo si Pangulong Marcos sa pump engine room kung saan binigyan siya ng briefing tungkol sa operasyon ng pumping station, sakop nitong catchment area, at mga lokasyon ng iba pang pumping stations sa National Capital Region (NCR). (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here