Home HOME BANNER STORY Pinas, itinangging magiging tanging supplier ng pagkain, langis ang US

Pinas, itinangging magiging tanging supplier ng pagkain, langis ang US

3
0

MANILA, Philippines – Hindi magiging tanging supplier ng pagkain at enerhiya ng Pilipinas ang Estados Unidos sa kabila ng pahayag ni US President Donald Trump na 100% ng mga naturang produkto ay aangkatin ng bansa mula sa Amerika.

Nilinaw ito ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Linggo, Nobyembre 22, matapos sabihin ni Trump na pumayag umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na eksklusibong kumuha ng agricultural at energy products mula sa US simula Enero 1, 2027.

Sa isang video statement na ipinadala sa mga mamamahayag, ipinaliwanag ni Castro na isa lamang ang Amerika sa mga alternatibong mapagkukunan ng suplay ng Pilipinas.

“Mas maraming source, mas mababang presyo. Mas maraming source, mas madaling maibsan ang pagtaas ng inflation rate. Mas siguradong food and energy supply,” ani Castro.

Ayon sa Malacañang, layunin ng pakikipag-usap sa US na matiyak ang sapat na suplay ng pagkain at enerhiya, lalo na sa gitna ng krisis sa Middle East at epekto ng matinding El Niño.

Inatasan na rin umano ni Marcos sina Energy Secretary Sharon Garin at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tiyaking sapat ang suplay ng petrolyo at pagkain upang maiwasan ang kakulangan at pagkaantala sa mga negosyo.

Tiniyak din ni Castro na hindi dapat makapinsala sa mga lokal na produkto, magsasaka at mangingisda ang anumang kasunduang papasukin ng administrasyon.

Samantala, sa fact sheet na inilabas ng White House noong Nobyembre 18, nakasaad ang plano na dagdagan ang pag-angkat ng Pilipinas ng agricultural at energy products mula sa US, ngunit walang binanggit na obligasyong kunin dito ang 100% ng suplay.

Nauna nang sinabi ni Marcos na pinag-aaralan pa ang mga detalye ng trade arrangements at layunin ng pamahalaan na magkaroon ng mas maraming supplier sa mas abot-kayang presyo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here