SINGAPORE, Singapore – Arestado ng mga pulis sa Singapore ang isang 15-anyos na babae kaugnay ng pekeng bomb threat sa Xinmin Secondary School noong Agosto 13.
Nagkaroon ng bomb threat sa paaralan bandang umaga na nagresulta sa paglikas ng mga estudyante at staff. Rumesponde ang pulisya bandang 8:20 a.m. at isinailalim sa masusing inspeksyon ang paaralan, ngunit walang nakitang kahina-hinalang bagay.
Kinumpirma ng Singapore police noong Agosto 18 na isang teenager ang naaresto kaugnay ng insidente. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong pagbibigay ng maling impormasyon tungkol sa isang mapanganib na bagay.
Agad na ipinatupad ng paaralan ang evacuation procedures matapos matanggap ang banta. Sinabi naman ng principal na nakikipagtulungan sila sa pulisya at nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at staff.
Kung mapatunayang guilty, maaaring harapin ng suspek ang hanggang pitong taong pagkakakulong, multang hanggang S$50,000, o parehong parusa.
Nagbabala ang pulisya na seryoso nilang tinatrato ang lahat ng security threats at hindi mag-aatubiling kumilos laban sa sinumang sadyang nagbibigay ng maling impormasyon tungkol sa bomb threat. RNT/MDS