Home NATIONWIDE Bilang ng nasawi sa mga bagyo, habagat nasa 29 na – NDRRMC

Bilang ng nasawi sa mga bagyo, habagat nasa 29 na – NDRRMC

3
0
Tuluyan nang isinara sa lahat ng uri ng sasakyan ang bahagi ng Benguet–Nueva Vizcaya Road sa Beckel–Lamut Junction matapos ideklarang hindi ligtas daanan dahil sa patuloy na pagguho ng lupa dahil sa malalakas na ulan dala ng habagat.Kasunod sa isinagawang inspeksyon nina La Trinidad Mayor Roderick C. Awingan, PLtCol. Zacarias Caloy P. Dausen, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station, at mga kinatawan ng iba't ibang ahensya kung kaya't tuluyan ng isinara dahil mapanganib sa lahat ng motorista at makapal ang hamog. REY VELASCO

MANILA, Philippines – Umabot na sa 29 katao ang namatay dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Luis at Maymay at ng Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.

Pinakamarami ang nasawi sa Benguet, kung saan 15 katao ang namatay dahil sa landslide. Apat ang nasawi sa Rizal, apat sa Batangas, dalawa sa Caloocan, at tig-isa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro, at Negros Occidental. Kabilang sa mga sanhi ng pagkamatay ang pagkalunod, rockslide, pagkahulog ng puno, at pagkakuryente.

May 19 ding nasugatan, kabilang ang 12 mula sa Benguet dahil sa landslide. Tatlo naman ang naiulat na nawawala mula sa Quezon, Manila, at Batangas.

Sa kabuuan, 6,516,451 katao o 1,815,389 pamilya na ang naapektuhan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ayon sa NDRRMC, 2,108 bahay ang nasira. Tinatayang umabot naman sa P4.67 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P1.42 bilyon sa agrikultura.

Samantala, umabot na sa P957.84 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong residente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here