MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Education (DepEd) na hindi lamang social media ang dapat tingnan sa pag-iwas sa karahasan sa mga paaralan. Posibleng makaapekto rin sa mga bata ang marahas na content mula sa ibang bansa, YouTube at maging sa mga regular na programa sa telebisyon.
Sa Senate hearing tungkol sa mga pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City, sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na mabilis nang nakararating sa mga estudyanteng Pilipino ang mga insidente ng karahasan sa ibang bansa dahil sa digital platforms.
“Copycat is actually a phenomenon po. Kaya there’s really strong tendency that it can be copied,” ani Garma.
Binanggit niya ang isang shooting incident sa Thailand na nag-viral bago ang insidente sa Ateneo de Zamboanga University. Gayunman, nilinaw niyang hindi masasabi ng DepEd kung nakaimpluwensiya ito sa nangyaring pamamaril sa Zamboanga.
Ayon kay Garma, nakatanggap din ang DepEd ng feedback na maaaring nakaimpluwensiya ang ilang YouTube content sa naunang kaso sa Tacloban.
Ngunit sinabi niyang hindi dapat sa internet lamang nakatuon ang pagsusuri. Kahit sa mga lugar na limitado ang internet access, maaaring makakita ang mga bata ng marahas na tema sa telebisyon.
“Baka it’s also high time, Madam Chair, to review the content of our regular programs.”
Aniya, maraming regular drama programs ang may mga tema ng galit, poot, paghihiganti at paggamit ng baril, na maaari ring maging impluwensiya sa mga bata.
Patuloy namang pinapalakas ng DepEd ang school threat assessments, psychosocial interventions at emergency preparedness upang maiwasan ang panibagong karahasan sa mga paaralan, habang iniiwasang gawing parang heavily fortified areas ang mga campus. RNT/MDS