MISAMIS ORIENTAL, Philippines – Arestado ang isang umano’y high-value drug dealer matapos makumpiska ang tinatayang P2.38 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Tagoloan, Misamis Oriental nitong Huwebes.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jas,” 28, na nahuli ng magkasanib na operatiba ng Misamis Oriental Police Provincial Office at Philippine Drug Enforcement Agency bandang 2:48 ng madaling-araw sa Zone 5, Bontong, Barangay Sta. Ana.
Nasamsam sa kanya ang 10 heat-sealed sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 350 gramo ng hinihinalang shabu, pati digital weighing scale, cellphone, belt bag, ID at marked money na P1,000.
Ayon sa paunang imbestigasyon, umano’y apat na taon nang nagbebenta ng ilegal na droga ang suspek. Nagsimula umano siya sa maliliit na dami bago lumawak ang kanyang operasyon at naging distributor ng mas malalaking supply sa kanilang barangay at mga kalapit na komunidad.
Itinuturing siyang first-time offender at high-value individual at kasalukuyang nakakulong sa Tagoloan Municipal Police Station.
Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, para sa pagbebenta at possession ng dangerous drugs.
Isinailalim naman sa laboratory examination ng Regional Forensic Unit 10 ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga. RNT/MDS