MANILA, Philippines — Posibleng muling sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung magpapatuloy ang kasalukuyang galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Batay sa unang tatlong araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS), tinatayang tataas ng P2.30 kada litro ang diesel, P1.40 kada litro ang gasolina, at P1.50 kada litro ang kerosene.
Iniuugnay ang posibleng dagdag-presyo sa patuloy na tensyon at kawalang-katiyakan sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang presyo at suplay ng langis.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas sa isang panayam, nananatiling pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng produktong petrolyo ang hindi pa nareresolbang sitwasyon sa rehiyon.
Maaari pang magbago ang aktuwal na price adjustment bago ito ipatupad ng mga oil company sa susunod na linggo.
Patuloy na binabantayan ang pandaigdigang oil market habang nananatiling sensitibo ang presyo sa mga development sa Middle East. RNT