MANILA, Philippines — Sa loob lamang ng 18 araw, nakapagtala na ang Baguio City at Quezon City ng ulan na katumbas ng humigit-kumulang dalawang buwang karaniwang rainfall, ayon sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Mula Agosto 1 hanggang 18, umabot sa 1,950.8 millimeters (mm) ang naitalang ulan sa Baguio City, habang 1,143.3 mm naman ang naitala sa PAGASA Science Garden sa Quezon City.
Batay sa PAGASA data, mahigit doble na ito sa normal na dami ng ulan para sa naturang panahon.
Sa Quezon City lamang, nakapagtala ng 201.7 mm na ulan sa loob ng lima hanggang anim na oras noong Lunes.
Bukod sa Baguio at Quezon City, nakaranas din ng mas mataas sa karaniwang August rainfall ang Dagupan City sa Pangasinan, Iba sa Zambales at ilang bahagi ng Occidental Mindoro.
Kaugnay ito ng matagal at malakas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, na nagdulot ng pagbaha at landslide sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa ganitong weather system, hindi lamang dami ng ulan sa isang araw ang binabantayan kundi maging ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa magkakasunod na araw, lalo na kapag mataas na ang lebel ng mga ilog at saturated na ang lupa. RNT