MANILA, Philippines — Target ng National Bureau of Investigation (NBI) na matapos sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa umano’y “honeytrap” scheme na layong idiin si Executive Secretary Ralph Recto, habang sinabi ng ahensya na mayroon na itong sapat na ebidensya upang pagpasiyahan kung magsasampa ng kaso.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, naghahanda na ang bureau ng mga posibleng kasong maaaring ihain kaugnay ng imbestigasyon.
“We’re preparing the proper cases to be filed. We have enough evidence already,” ani Matibag. Sinabi niyang maaaring maglabas ang NBI ng resolusyon hinggil sa kaso sa susunod na linggo.
“If cases will be filed, then we file cases. Kung wala naman—we’ll come out with the resolution,” dagdag niya.
Nauna nang pinadalhan ng NBI ng subpoena sina Batangas Rep. Leandro Leviste, dating kongresista Jacinto “Jing” Paras at apat na abogado bilang bahagi ng imbestigasyon.
Itinanggi ng kampo ni Leviste ang pagkakasangkot niya sa umano’y plano.
Iginiit naman ng kampo ni Paras na kusang lumapit sa kanila ang talent manager upang magbigay ng testimonya at humingi lamang umano ng tulong sa paggawa ng affidavit.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa isang entrapment operation kung saan ilang indibidwal ang na-rescue ng NBI. Ayon sa ahensya, lumitaw sa mga salaysay na may umano’y planong gumawa ng kuwento at affidavit na mag-uugnay kay Recto sa isang iskandalo kapalit ng bayad.
Wala pang pinal na finding ang NBI laban sa mga personalidad na iniimbestigahan at wala pang kasong inihahain kaugnay ng umano’y scheme sa oras ng ulat.
Nauna ring binigyang-diin ni Matibag na ang pagpapatawag sa mga personalidad ay bahagi ng imbestigasyon at hindi nangangahulugang napatunayan na ang kanilang pagkakasangkot. RNT