Home HOME BANNER STORY ‘Absinerong’ estudyante, ikokonsiderang ‘red flag’ ng DepEd

‘Absinerong’ estudyante, ikokonsiderang ‘red flag’ ng DepEd

1
0

MANILA, Philippines — Mas mahigpit nang babantayan ng Department of Education (DepEd) ang madalas na pagliban ng mga estudyante bilang posibleng “red flag” na nangangailangan ng mas maagang intervention.

Ito ang sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes kaugnay ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City.

“In fact, we’re already starting to make an inventory, a more serious inventory on the absences ng mga bata. Kasi pagka madalas na nag-absent yung bata, medyo red flag na dapat yun,” ani Garma.

Ipinaliwanag niya na maaaring mahirapan ang mga guro na agad mapansin ang pattern ng pagliban dahil sa dami ng estudyanteng kanilang hinahawakan. Dahil dito, nais ng DepEd na mas seryosong subaybayan ang attendance ng mga mag-aaral.

Pinag-aaralan din ng kagawaran ang paggamit ng artificial intelligence (AI) upang matukoy ang attendance patterns at iba pang indikasyon na maaaring mangailangan ng agarang pagtutok sa isang estudyante.

Bahagi ito ng pinalalakas na threat assessment system ng DepEd matapos ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Ayon kay Garma, kabilang sa sinusuri ng kagawaran ang behavioral patterns at iba pang risk indicators, habang minamapa rin ang mga lugar na mas mataas ang posibilidad ng banta upang maituon doon ang limitadong resources.

Batay sa paunang mapping ng DepEd, mas nakikita umano ang mga naturang insidente sa highly urbanized areas.

Plano ring unahing i-deploy sa mga matutukoy na hotspot ang 10,000 school counselor associates, bagama’t sinabi ni Garma na tinatayang 46,000 ang kinakailangan upang maabot ang nais na nationwide ratio.

Pinalalakas din ng DepEd ang mga mekanismo upang makapag-report nang anonymous ang mga estudyante ng posibleng banta o nakababahalang kilos ng kanilang mga kaklase.

Nilinaw ng mga hakbang na ang madalas na pagliban ay titingnan bilang posibleng early warning sign na dapat suriin, at hindi awtomatikong nangangahulugang banta sa seguridad ang isang estudyante. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here