MANILA, Philippines — Nakakakuha ang mga awtoridad ng mahahalagang impormasyon mula sa ilang miyembro ng gaming community na nakasasaksi ng aktibidad ng mga grupong inuugnay sa nihilistic violent extremism (NVE) sa online spaces, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Huwebes, sinabi ni CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso na may mga indibidwal mula sa gaming communities na kusang lumalapit sa gobyerno matapos makakita o makapasok sa online groups na may kaugnayan umano sa NVE.
“Marami pong nagka-come forward from various, for example, the gaming community,” ani Paraiso.
Ayon sa opisyal, maaaring maging mahalagang source ng leads ang mga taong pamilyar na sa naturang online communities dahil mas mahirap at matagal para sa mga imbestigador na makapasok sa mga saradong grupo.
Ang impormasyong natatanggap ng CICC ay ipinapasa nito sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies dahil wala itong kapangyarihang direktang magsagawa ng law enforcement operation.
Iminungkahi rin ni Paraiso na maaaring pag-aralan ang paggamit ng intelligence funds para sa rewards sa mga taong makapagbibigay ng mahalagang impormasyon na makatutulong upang maagapan ang posibleng karahasan.
Tinalakay ang usapin habang iniimbestigahan ng Senado ang posibleng papel ng online communities at content sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City.
Gayunman, wala pang natutukoy na ugnayan sa pagitan ng NVE at ng kamakailang pamamaril sa Zamboanga, kaya patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo at online activities ng sangkot na estudyante. Ang Senate panel ay nagsasagawa ng pagdinig tungkol sa school safety at online risks kasunod ng mga naturang insidente.
Samantala, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi sapat ang guards, cameras at iba pang physical security measures upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan.
Binigyang-diin niya ang mas malapit na koordinasyon ng pulisya, paaralan, magulang at komunidad upang maagang matukoy at mai-report ang mga posibleng banta. Nauna nang inilatag ng PNP ang ganitong community-based approach sa school safety at prevention. RNT